Huwebes, Marso 8, 2012

Welgang Transportasyon sa Bicol


Laban sa Ganid na mga Kumpanya sa Langis at Sabwatang US-Aquino


SAGAD NA SA BUTO ang pagkaganid sa tubo ng mga dayuhang monopolyo sa langis at ng gubyernong Aquino habang nagbibingi-bingihan ito sa kahilingan ng mamamayan na kontrolin ang presyo ng langis at tuluyang pagbasura sa Oil Deregulation Law.

Dalawang taon na ang administrasyon ni P-Noy sa Malakanyang subalit  mas matinding hirap at sakit ang dinaranas ng mayoryang mamamayan. Noong 2011, mayroong P9.00 na overpricing mula sa 44 beses na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.  Ngayong 2012, sa loob lamang ng 2 buwan ay 7 beses ng nagtaas ang presyo nito na umaabot na sa kabuuang P5.45/litro sa gasolina at P3.15/litro sa diesel.

Nagduduet ang mga tagapagsalita ng Shell, Petron, Caltex at gobyerno sa paglulubid ng mga dahilan para mailusot ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Nandyang gamitin ang galaw ng presyo sa world market, ang panahon ng taglamig, at tensyon sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

Subalit ang mga ito ay walang mayor na epekto sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.  Ang totoo, kontrolado ng mga monopolyo ang lahat ng proseso sa industriya ng langis mula eksplorasyon, produksyon, pagrerepina hanggang pagtitinda. Kung gayun, nagagawa nilang manipulahin ang paggalaw sa suplay at demand na papabor sa kanilang interes.  Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, bilyong kita ang naibubulsa ng mga kartel at gobyerno habang ang mga mamamayan ay patuloy na nasasadlak sa kahirapan at kagutuman.

Noong 2011, ang magkakasamang tubo ng limang pinakamalalaking kumpanya ng langis sa bansa ay umabot sa $136.8 bilyon na halos katumbas ng 60% ng buong ekonomiya ng bansa. Ito ay napakalinaw na $16 milyong tubo kada oras! Habang ang gobyerno naman ay tumatabo ng P11.9 bilyon kada taon o P38 milyon kada araw mula sa 12% VAT sa langis sa average na P48.00 presyo ng krudo kada litro na kinikunsomo ng 220,000 jeepney units sa buong bansa.

Samantalang ang mamamayan ay kumakalam  ang sikmura dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, utilidad at serbisyo. Nananatili ding  nakapababa ang pasahod ng mga manggagawa. Sa rehiyong Bikol, nakapako na sa September 2010 Wage Order #14 ang minimum wage na P247.00. Masama pa, mas maraming manggagawa ang nalalabag ang karapatan dahil sa hindi pagpapasahod ng tama, walang mga benepisyo at kontraktwal.
Habang ang mamamayan ay nananawagan na ibaba ang presyo ng langis at mga bilihin, tunay na reporma sa agrikultura at itaas ang sahod ng mga manggagawa, busy naman si Aquino sa pakikipag-showbiz sa Corona impeachment trial at pag-entertain ng mga tropang Amerikano.

Ngayon ang huling araw ng Operation Pacific Angel 12-1, isang joint military exercise ng Estados Unidos at Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement na nagkukubli sa tabing ng Humanitarian at Disaster Relief Operations.  Ipinatutupad ito ng 13th US Air Force na direktang pinamumunuan ng US Pacific Command na inistablisa noong January 13, 1943 upang tiyakin ang pang-ekonomya at pampulitikang kontrol ng Estados Unidos sa mga bansa sa Asya-Pasipiko gamit ang superyuridad sa militar.

Kamakailan lang ay inapruba din ni Aquino ang presensya ng 4,700 sundalong Amerikano na malayang maglibot sa bansa ayon sa disenyong itatakda ng gobyernong Pilipinas sa ilalim ng Oplan Bayanihan na sa balangkas naman ng US Counter Insurgency Plan.

Panlilinlang sa mamamayan ang mga pahayag na pagtulong lamang ang sadya ng mga tropang Amerikano sa Bikol at sa buong bansa. Ang dahilan ng pagpapalakas ng tropang Amerikano sa Pilipinas at sa buong Asya Pasipiko ay ang kontrolin ang mga bansa sa rehiyon bilang  bagsakan ng mga sobrang produkto mula sa kanilang bansa para ibsan ang kanilang krisis sa pinansya at ekonomiya habang pinapahigpit pa ang kontrol sa pag-angkin ng mga hilaw na materyales, minerales at murang lakas paggawa.

Target sa US ang napakalaking reserba ng langis na matatagpuan sa Spratly Island. Kung nagawa ngang gyerahin ng US ang Iraq, Afghanisyan, Libya at Iran para sa langis, tiyak magagawa nya ito sa Tsina na itinuturing na banta sa kanyang ekonomiya.  Sa nagbabadyang gyerang ito, kakaladkarin ang Pilipinas sa panguguna ni Aquino na kanyang numero unong tuta sa bansa sa ngalan ng lalo pang monopolyong kontrol sa langis.

Ngayon, higit kailanman, kailangan nating manindigan upang ipagtanggol ang soberanya ng ating bayan. Magkaisa tayong mga mamamayang Pilipino at tutulan ang tumitinding panghihimasok at pandarambong ng Estaos Unidos. Igiit natin ang tuluyang pagbuwag ng kontrol ng monopolyo sa langis sa pangunguna ng imperyalistang Estados Unidos at pagbabasura ng Oil Deregulation Law. Igiit ang programang pang-ekonomiyang malaya sa kontrol at impluwensyang dayuhan.  

MAKIISA AT LUMAHOK
WELGANG TRANSPORTASYON
MARSO 10, 2012
12:01 UMAGA – 12:00 HATANGGABI

Labanan ang Overpricing sa Langis
Tanggalin ang 12% VAT sa Langis!
Ibasura ang Oil Deregulation Law!
Labanan ang Sabwatang US-Aquino-Kartel sa Langis!





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento