ANG OPERATION PACIFIC ANGEL 12-1 AY ISANG MAPANILANG LOBO NA NAKASUOT NG BALAT-TUPA!
Matapos ang malawak at matinding pag-ayaw ng mamamayang Bikolano at Sorsoganon sa US-RP Balikatan war exercises noong Abril 2009, muli na namang nagtatangka ang imperyalistang US na ipaskil ang presensyang militar at palagiang pananatili nito sa Kabikulan sa pamamagitan ng US Operation Pacific Angel.
Ang opisyal na titulo ng proyektong ito ay Pacific Angel 12-1: Strengthening Humanitarian and Disaster Relief Capabilities. Ito diumano ay isang magkasanib na ehersisyo (joint exercise) ng United States Armed Forces (USAF) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na gaganapin sa Kabikulan.
Isasagawa ang naturang proyekto sa tatlong paaralan sa Legazpi City at sa isang lokasyon sa Sto. Domingo, Albay mula Marso 5 hanggang 10 nitong taong 2012. Magsasagawa umano ito ng mga “medical mission” at “engineering civic action program” upang “sanayin” ang mga NGOs at LGUs sa “humanitarian and disaster operation skills”.
Sa unang malas pa lang, lubhang kaduda-duda na ang mga organisasyong militar na tulad ng USAF at AFP ay magsasagawa ng mga “makataong proyekto” na katulad ng ipinangangalandakan nila sa Operation Pacific Angel.
Ang modernong kasaysayan ng digmaan sa buong daigdig ang magpapatunay sa kahayupan at kalupitan ng mga sundalong Amerikano sa mga mamamayan ng Pilipinas, Byetnam, Iraq at Afghanistan. Ang kasaysayan naman ng Pilipinas ang magpapatunay sa kahayupan at kalupitan ng AFP sa mamamayang Pilipino sa ilalim ng mga kampanyang militar na tulad ng mga OPLAN Katatagan at mamamayan sa panahon ng diktadurang rehimen ni Marcos, Lambat Bitag 1,2,3 at 4 at Kaisaganaan ng magkasunod na rehimeng Cory Aquino at Fidel Ramos, Makabayan at Balanghai ng rehimeng Estrada, Oplan Bantay Laya 1 at 2 ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo at ngayon ay ang mapagkunwari at mapanlinlang na OPLAN Bayanihan ni Noynoy Aquino. Walang krimen sa listahan ng mga kamuhi-muhi at mala-demonyong paglalapastangan sa karapatang pantao na hindi nagawa ng USAF at AFP.
Ang medical mission at engineering civic-action program na sinasabi ng Operation Pacific Angel ay ginawa na ng US-RP Balikatan dito sa ating lalalawigan noong 2009. Isang kaputol na bahagi ng lansangan ang pinatungan ng graba sa Guruyan, Juban at isang araw na medical mission ang isinagawa sa Tughan Elementary School, sa bayan din ng Juban. Liban dito, ay wala nang iba pang nagawa ang isang buwang civil-military operations(CMO) ng Balikatan. Ang malaking panahon ng CMO ay ginugol sa paniniktik sa hanay ng mga mamamayan at sa pangangalap ng mga datos at impormasyon tungkol sa kalupaan at likas na yaman ng Sorsogon na gagamitin nila sa panunupil sa mamamayan at sa pagdarambong sa ating likas na yaman sa hinaharap. Mas malamang na ganito rin ang mangyari sa Operation Pacific Angel ngayong Marso 2012.
Kung talagang ang layunin ng USAF at AFP sa Operation Pacific Angel ay makatulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng medical mission at engineering civic-action, bakit hindi na lang nila ipagkaloob ang mga pinansyal at materyal na pangangailangan ng proyekto sa Department of Health, Department of Public Works and Highways, LGUs at NGOs at hayaang ang mga ito na lang ang mag-asikaso sa implementasyon ng naturang proyekto? Batay dito, ay maaaring sabihin na may mga nakatagong agenda ang Operation Pacific Angel bukod sa lantad na medical mission at engineering civic action program na sinasabi nila.
Ang Operation Pacific Angel ay tumutuntong sa Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Logislitcs Support Agreement (MLSA) at iba pang mga tratado at kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas. Subalit, ang mga kasunduang tinutungtungan nito ay labag sa Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng soberanya at integridad ng mamamayang Pilipino.
Ang tunay na layunin ng Operation Pacific Angel ay pabanguhin ang nakasusulasok na Gawain ng mga armadong pwersa ng Estados Unidos at takpan ng maaamong maskara ng bangis, marahas at mapanalakay na mukha nito nang sa gayon ay maging katanggap-tanggap sa mga Sorsoganon ang pinapakana ng Estados Unidos na permanenteng pananatili ng tropang militar nito sa ating lalalwigan at rehiyon. Higit sa lahat, ang Operation Pacific Angel ay isang mapanilang lobo na nakasuot ng balat-tupa.
(Bagong Alyansang Makabayan - Sorsogon; Santos St., Polvorista, Sorsogon City)
Marso 5, 2012
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento