Linggo, Marso 4, 2012

OPERATION PACIFIC ANGEL 12-1 MAPANLINLANG, ILANTAD AT LABANAN

Ang Operation Pacific Angel 12-1 ayon sa CRS-AFP ay isang “joint humanitarian and disaster relief operations” na isasagawa ng United States Armed Forces (USAF) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marso 5-10, 2012. Medical and Dental Mission at Engineering Civic Action Program ang gagawin upang sanayin daw ang mga NGOs at LGUs sa “Humanitarian and disaster relief operations skills”. Mga piling lugar sa Albay ang paglulunsaran nito dahil kilala diumano ang probinsya sa “civil-military disaster risk management partnership at climate change adaptation initiatives.”

Sa biglang tingin, simpleng serbisyong panlipunan lamang gaya ng medical and dental mission, pagkumpuni ng mga silid aralan at water system ang tampok na mga aktibidad. Subalit, sa karanasan sa isinagawang RP-US Balikatan exercises noong 2009 sa Bikol at sa joint military exercises na isinagawa sa ibang dako ng bansa, kakambal ng civil military operations ay ang mga gawaing surbeylans at paniniktik gamit ang mga drones o unmanned aerial vehicle (UAV).
 
Anumang publicity gimmick ang gawin ng USAF at AFP ay di mapapasubalian ang pagpoposturang makatao at pagkakawanggawa ng Operation Pacific Angel ay naglalayong ilihis ang mamamayan sa tunay nitong layunin– gawing katanggap-tanggap sa mga mamamayang Pilipino ang pananatili ng presensyang militar ng Estados Unidos sa bansa.

Ano sa esensya ang Operation Pacific Angel?

Ito ay isang operasyong militar ng US Pacific Air Forces Command (PACAF) na taunang ginagawa ng US Pacific Command (US PACOM) sa mga eryang saklaw nito sa Asya. Naglulunsad ito ng mga serbisyo sa pormang humanitarian mission kasabay ng pagsasagawa ng civil-military operations at intelligence operations upang makabisa ang kalupaan, kalawakan, karagatan, himpapawid at cyberspace.
 
Ang 13th US Air Force na nakabase sa Hickam Air Force Base sa Hawaii ay direktang kalahok dito. Misyon ng 13th US Air Force na planuhin, i-command at kontrolin, ideliber at i-assess ang air,space at information operations sa Asia-Pacific. Nakatalaga ito sa surveillance sa panahon ng walang giyera at maging sa mga mayor na operasyong kombat. Ang 13th US Air Force ay nasailalim ng US Pacific Command.
 
Ang US Pacific Command ay isang “United Combat Command of the Armed Froces of the United States”. Ang area of operation (AOR) nito ay sumasaklaw sa halos kalahati ng buong mundo at sumasakop sa 36 mga bansa kabilang na ang Pilipinas. Ang Commander ng US PACOM ay direktang nagrereport sa US Secretary of Defense at sa US President. Ang US PACOM ay estratehikong nakatalaga upang panatilihin ang dominasyon ng imperyalismong Estados Unidos sa Asia-Pacific Region at protektahan ang “US sphere of influence” sa Asia.

Itinatakda ng US Defense Strategy 2012 at US Department of Defense Cyber Strategy ang mga estratehikong gabay sa pandaigdigang dominasyon ng imperyalismong US sa Ika-21 siglo sa harap ng mga limitasyon sa badyet dulot ng krisis sa ekonomiya. Layunin ng US Military Strategy na tiyakin ang kakayahan ng US na lubos na hadlangan at talunin ang alinmang kalabang estado sa pamamagitan ng paggamit ng dominasyon ng US sa lahat ng larangan at pagsanib ng kapangyarihang militar sa lahat ng larangan.
Ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty (MDT) ay nagtitiyak ng pananatili ng permanenteng presensyang militar ng US sa Pilipinas kahit walang permanenteng US military base dito.

Ano ang kahalagahan ng Pilipinas/Bikol sa estratehikong interes ng US sa Asia-Pacific?

Nagsisilbi sa estratehikong interes ng imperyalistang US ang Pilipinas. Hindi lamang sagana sa pinagkukunan ng murang hilaw na materyales, murang lakas paggawa at pamilihan ng mga labis na produkto at kapital ang Pilipinas. Mahalaga ang Pilipinas upang mapanatili ng US ang kanyang political, economic and military interest sa Asya. Mahalagang makabig ng US ang Gobyernong P-Noy Aquino at mailayo sa impluwensya ng Tsina na itinuturing nito na banta sa kanyang hegemonya sa rehiyon.
Bigo ang RP-US Balikatan Exercises noong 2009 dahil sa militante at makabayang paglaban mamamayang Bikolano. Nailantad ang totoong hangarin nito. Muling sinusubukang linlangin ang mga Bikolano upang lumabas na katanggap-tanggap sa kanila ang presensyang militar ng US sa ating bansa.
Ang Operation Pacific Angel ay bahagi ng pagpapatupad sa Oplan Bayanihan na dinesensyo mismo alinsunod sa US Counter Insurgency Guide of 2009.

Ano ang ating paninindigan kaugnay ng Opertation Pacific Angel?

Hindi ang panlipunang serbisyo dulot ng humanitarian mission ang tinututulan natin. Ayaw natin at tutol tayo sa joint humanitarian mission ng USAF at AFP sapagkat ito ay kinakasangkapan sa interbensyong US sa ating bansa. Layon nitong maging katanggap-tangap ang presensyang militar ng US sa ating bansa. Ang pananatili ng presensyang militar ng US sa Pilipinas ay pagsasala-ula sa pambasang soberanya at sa ating Konstitusyon.

Kung nais magsagawa ng humanitarian mission ang US idaan nila o ipagkatiwala nila ang pagsasagawa nito sa mga organisasyong sibiko at NGOs at huwag gagamitin sa anumang porma ng operasyong militar.

Ilantad at Labanan, Operation Pacific Angel 12-1!
Tutulan ang agresyong militar ng US!
Palayasin ang US Troops sa Bicol!
US TROOPS OUT NOW!
IBASURA VFA/MDT!

_____________________________________
BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN-Bikol

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento